You are currently browsing the category archive for the 'my tongue' category.
Walang kaso kung ika’y magwala, sumigaw at maglumpasay dahil nagbigay todo ka at ang kapalit ay alipusta.
Walang kaso kung magmura, magtanim ng galit, manlait at mambara dahil sa iniwan ka at trinatong walang kwenta.
Lalong walang mali kung magsalita ng diretso, tumingin sa mata at taas noong sabihin, eh tarantado ka pala, mali ka at ako ang tama.
Kung ang kapalit nito’y pagkatigatig sa natatago mong lakas, pag gising sa malalim na pagkahimbing ng kamalayan at paninindigan.
At kung ang kapalit nito’y pagpulot ng pira piraso mong dignidad, sumigaw ka hanggang mapatid ang iyong ngala ngala, magmura ka hanggat hubo’t hubad na ang iyong kaluluwa. Magalit ka kabaro hanggang tumulo at manuyo ang iyong luha.
Hindi kailangang humingi ng pahintulot at paanyaya. Hindi kailangang matakot dahil hindi mo sinunod ang sabi nila, na sa lahat ng panahon ikaw ay dapat magtimpi at magpasensya.
Nagsimula akong sumulat sa Tagalog. Unang artikulo, unang tula, mga unang kataga ay nasa Tagalog. Makulay, madrama, tuliro, tuwid, bawat bulong naisusulat ng malinaw, naisasalansan ng mahusay.
Nakalimutan ko ng sumulat.Kasabay ng paglimot ng sarili, nalimutan ko na rin ang pagkilos ng mga daliri para isulat ang patuloy na agos na dikta ng isip. Ganun lang kadali ang pagsusulat, dati-rati para sa akin. Taga ukit lang ako ng mga salita, dahil patuloy ang agos, patuloy ang bulong.
Impit ang mga salita ngayon, kadalasan balibaliko, walang daloy. Putol-putol, walang saysay walang anod, walang pakiramdam, walang husay, mga walang husay na katha.



